Bagyo
Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila. Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib. Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro! Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. Pagkatapos, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?” Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!”
Lucas 8:22-25 ASND
Kung titingnan natin ang panahon nila, wala pa silang ginagamit na mga bagay upang malaman kung may darating na bagyo gaya ng sa panahon natin ngayon. Kung titingnan natin ang mga nangyari dito sa kwento at sa buhay natin bilang Kristiyano, malaki ang pagkakahawig. Ano ang ito?
✓Gaya ng sa kwento, hindi nila alam na hindi magiging maganda ang panahon (maliban kay Jesus dahil siya ay Dios). Ganun din sa ating buhay, hindi natin alam kung ano yung mga pagsubok na darating sa atin pero gaya ng mababasa natin sa bibliya na kayang pahintuin at pakalmahin ng ating Panginoong Jesus ang pagsubok na patuloy na gumugulo sa ating buhay
Kailangan nating ipagkatiwala ang ating mga kabalisahan sa ating Dios dahil siya'y nagmamalasakit (1 Peter 5:7). Dahil din sa tayo ay mahina kaya kailangan nating dumepende sa kanya.
Pero ano ang nagiging problema? bakit di tayo makapagtiwala sa Kanya?
Katulad tayo ng mga disipolo ng Panginoong Jesus sa v.25.. ang kanilang sinabi “Sino kaya 'to?”. Kung babasahin natin paatras ang kwento, nakakasama na ng Panginoong Jesus ang mga Disipolo niya at nakikita nila ang mga pagpapagaling, pagbuhay niya ng patay at iba pa. Pero sa kabila ng mga ito, hindi pa rin nila kilala ang Panginoong Jesus ng totoo. Kagaya ng sa barkada, meron tayong mga nakakasama lagi pero hindi natin sila masyadong kilala.
Isa ito sa posibleng dahilan kung bakit hindi mo siya mapagkatiwalaan. Hinihikayat kita na basahin mo ang Kanyang mga salita upang makilala mo siya. Kung sino siya at ano ang gusto niya sa buhay mo. Lagi mong tandaan, walang imposible sa Dios. Ano man ang pinagdadaanan mo ngayon, kaya niyang patigilin at pakalmahin yan. Magtiwala ka sa Kanya.
Comments
Post a Comment